“Kaibigan”,
Kamusta ka naman? Napakabagal ng araw para sakin. Wala pang isang buwan halos ang nakakalipas simula nang isumpa kong kahit kelan hindi na kita pagtitiwalaan. Masaya ka ba? Masaya ka na ba sa lahat-lahat ng nangyayari sa’ting dalawa? Plinano mo ba lahat ng ‘to? Ito ba ang gusto mo?
Alam mo gusto kitang paghigantihan. Kaso mahirap pala, hindi ko magawa kasi marami akong prinoprotektahan na mga taong mahal ko na nakapaligid sayo. Kasi sa oras na saksakin kita, baka matalsikan sila ng dugo mo. Baka mahawa sila sa sakit mo, o kaya naman baka yun ang dahilan para mamatay sila. Sabi nila, wag nalang kitang pansinin. Pero may gawin man ako o wala, masakit eh.
May mga nagtatanong sakin kung kamusta ang araw-araw na pamumuhay ko kasama ang isang katulad mo. Napakahirap. Napakasakit. Sa totoo lang ayaw na kitang makita. Kasi tuwing nakikita kita, galit na galit ako. Minsan gusto kitang itulak sa hagdanan, buhusan ng toyomansi, ibaon sa lupa… pero siyempre hindi ko kayang gawin yun.
Gusto mong malaman kung ano ang pinakamatinding dahilan kung bakit ako nasasaktan at nagagalit sayo? Actually maraming bagay kahit maliliit lang. Siguro to sum up, ang sagot ko sa tanong na yan e niloko mo ako. Hindi mo man lang ako pinahalagahan bilang kaibigan, kahit katiting lang. Minahal kita, alam mo ba? Kaya masakit. Ang natanim na tuloy sa utak ko e sa loob ng kulang tatlong taon na pagsasama natin, puro kasinungalingan ang pinapakita mo sakin.
Nung isang gabi hindi ako makatulog. Iniisip ko kung ano yung mabubuting nagawa mo para sakin. Isang bagay lang naman ang hinihingi ko, pampalubag-loob man lang. Bakit ganun? Wala akong maisip. Nakakainis. Wala ka nga bang mabuting nagawa para sakin? O hindi lang talaga kayang takpan lahat ng kawalang hiyaan mo?
Sinayang mo lang lahat - ang paggalang, pagtitiwala at pagmamahal ng isang tunay na kaibigan na binigay ko sayo. Sana pinahalagahan mo nun pa man kasi simula ng natuklasan ko ang tunay mong kulay, hindi mo na mararanasan lahat ng yan galing sakin.
Yun lang.
Minsang nagmahal sayo,
Ako.
PS. Kung sakaling nababasa mo ‘to, pahalagahan mo bawat salita na binitawan ko. Nawa’y tumagos lahat ng yan sa puso mo dahil hindi ako mapagkunwari katulad mo. At nga pala, wag ka sanang manhid. Ma-guilty ka naman paminsan-minsan.